Saturday, October 8, 2011

Salot

     Ipinanganak ako sa marangyang pamilya. Lahat ng gusto ko ay akin nakukuha. Isang sabi ko lang kay ama noong ako'y bata pa agad niya itong ibinibigay ng walang pagdududa. 


     Isang araw paggising ko ang lahat ng luho na kinalakihan ko ay nawala na lamang na para bang bula. Ang dating mansyon na tinitirhan ay naging barung-barong na lamang. Kasabay ng pagkawala ng amin luho ay ang pagkamatay ni ama at ang pagkalugi ng negosyo niya na nagiwan sa amin ni ina ng kawalan ng pag-asa. 


     Hayskul ako ng nangyari ang itinuturing kong bangungot ng buhay ko. Mabuti na lamang at madiskarte si ina na nagtrabaho sa salon bilang manikurista. Malapit si ina sa mga bakla, kahit noon kami pa ay marangya itinuturing niya silang kaibigang matapat ngunit palaban. Ang pagiging malapit ni ina sa mga bakla ang siya naging dahilan upang mapalapit din ako sa kanila.


     Pagkagaling sa eskuwelahan ako'y dumidiretso sa salon upang tumulong sa sa akin ina at kapag bakasyon ako'y nagtatrabaho upang makatulong sa mga gastusin. Ang pangaraw-araw na gawain namin ni ina ay bigla na lamang nagbago nang dumating sa buhay niya ang lalaking ipinalit niya sa akin ama. Sa simula siya'y mabait, at maasikaso sa amin. ngunit ng lumaon tila naginit ang kanyang dugo sa akin at kapag nakikita niya ako para bang nasisira ang araw niya. Lagi niya ako minamaltrato. Malambot daw ako, at ayaw niya sa mga malalambot. Walang nagawa ang akin ina na nagbigay sa akin ng dahilan upang lisanin ang tirahan na iyon at tumira na lamang sa mga kaibigang bakla ni ina. 


     Napalapit sa akin ang mga bakla. Unti-unti ako nagbabago sa kanila. Kung dati ako'y brusko at macho, ngayo'y marunong nang gumewang at gumigiling kung maglakad. Ang maikli kong buhok ay humahaba at ang pananamit ko ay hindi na tulad ng dati. Ako'y naglalakad sa eskinita ng makita ako ng syota ng akin ina, ako sana'y kanyang hahampasin ngunit sa kabutihang palad, napangunahan ko siya ng takbo. Sumisigaw siya habang ako'y tumatakbo at ang sabi niya, "Ayoko sa lahat ay iyong bakla, sabi ko na nga ba't isa ka rin sa kanila!! Mga SALOT KAYO!! SALOT!! Huwag ka ng magpapakita pa't baka mapatay kita!!!!" 


     Masakit bilang kauri sa pangatlong kasarian ang makarinig ng mga masasakit na salita. Ang hindi kami matanggap ng amin lipunang ginagalawan. Sa bawat paglabas at paglakad ko ako'y nahihiya. Napapaisip ako kung ano ang iniisip nila sa akin kapag ako'y kanilang nakikita o kaya naman ay nakakasalubong sa kalsada. Tama ba ang ginawa kong paglaladlad? Isa ba itong kasalanan? 


     Nang lumaon ay napawi ang pagdududa at panghihinayang aking nadarama. Sumikat si Vice Ganda na siyang nagsilbing inspirasyon namin mga bakla. Naging matapang ako. Hinarap ko ang lipunan at hindi ko ikinahiya ang pagbabago ko ng kasarian. Saludo ako kay Vice Ganda na isa siya sa mga dahilan kung bakit nagbago kahit papaano ang tingin sa amin mga bakla. Unti-unti na kami natatanggap ng lipunan, hindi man lahat ngunit sapat na sa akin na malaman na ang mga katulad namin ay may mapapatunayan. Ipinagmamalaki ko kung ano at sino man ako ngayon. Hangga't wala akong ginagawang mali at immoral, alam ko kung saan ako lulugar. Hindi mali ang mapabilang sa ikatlong kasarian, ang mali ay ang pumatol sa kaparehas mong kasarian. Ang pagiging beki at tibo ang isa sa nagpapatunay na kami ay ang taong nagpapakatotoo at talagang tao. Hindi kami tao na nagpapanggap lamang na tao.
  
     Nais kong itayo ang bandera namin mga nasa ikatlong kasarian. Hindi lamang pagtaas ng bandera at pagbabago ng tingin sa amin ng lipunan ang aking hangad. Hangad ko rin ang pantay na pagtingin. Babae o lalaki, bakla man o tomboy, ayokong may naaapi at nais kong tanggalin ang diskriminasyon sa lipunang ito. 


     Salot man kami sa inyong paningin, kaming mga salot ay may maipagmamalaki rin. Hindi lang siguro ngayon, ngunit alam kong darating din ang araw na iyon. Ayoko ng puro pangako, dahil iyon ay laging napapako. Kikilos ako, papatunayan kong may ibubuga rin ako. 

No comments:

Post a Comment