Saturday, October 8, 2011

Salot

     Ipinanganak ako sa marangyang pamilya. Lahat ng gusto ko ay akin nakukuha. Isang sabi ko lang kay ama noong ako'y bata pa agad niya itong ibinibigay ng walang pagdududa. 


     Isang araw paggising ko ang lahat ng luho na kinalakihan ko ay nawala na lamang na para bang bula. Ang dating mansyon na tinitirhan ay naging barung-barong na lamang. Kasabay ng pagkawala ng amin luho ay ang pagkamatay ni ama at ang pagkalugi ng negosyo niya na nagiwan sa amin ni ina ng kawalan ng pag-asa. 


     Hayskul ako ng nangyari ang itinuturing kong bangungot ng buhay ko. Mabuti na lamang at madiskarte si ina na nagtrabaho sa salon bilang manikurista. Malapit si ina sa mga bakla, kahit noon kami pa ay marangya itinuturing niya silang kaibigang matapat ngunit palaban. Ang pagiging malapit ni ina sa mga bakla ang siya naging dahilan upang mapalapit din ako sa kanila.


     Pagkagaling sa eskuwelahan ako'y dumidiretso sa salon upang tumulong sa sa akin ina at kapag bakasyon ako'y nagtatrabaho upang makatulong sa mga gastusin. Ang pangaraw-araw na gawain namin ni ina ay bigla na lamang nagbago nang dumating sa buhay niya ang lalaking ipinalit niya sa akin ama. Sa simula siya'y mabait, at maasikaso sa amin. ngunit ng lumaon tila naginit ang kanyang dugo sa akin at kapag nakikita niya ako para bang nasisira ang araw niya. Lagi niya ako minamaltrato. Malambot daw ako, at ayaw niya sa mga malalambot. Walang nagawa ang akin ina na nagbigay sa akin ng dahilan upang lisanin ang tirahan na iyon at tumira na lamang sa mga kaibigang bakla ni ina. 


     Napalapit sa akin ang mga bakla. Unti-unti ako nagbabago sa kanila. Kung dati ako'y brusko at macho, ngayo'y marunong nang gumewang at gumigiling kung maglakad. Ang maikli kong buhok ay humahaba at ang pananamit ko ay hindi na tulad ng dati. Ako'y naglalakad sa eskinita ng makita ako ng syota ng akin ina, ako sana'y kanyang hahampasin ngunit sa kabutihang palad, napangunahan ko siya ng takbo. Sumisigaw siya habang ako'y tumatakbo at ang sabi niya, "Ayoko sa lahat ay iyong bakla, sabi ko na nga ba't isa ka rin sa kanila!! Mga SALOT KAYO!! SALOT!! Huwag ka ng magpapakita pa't baka mapatay kita!!!!" 


     Masakit bilang kauri sa pangatlong kasarian ang makarinig ng mga masasakit na salita. Ang hindi kami matanggap ng amin lipunang ginagalawan. Sa bawat paglabas at paglakad ko ako'y nahihiya. Napapaisip ako kung ano ang iniisip nila sa akin kapag ako'y kanilang nakikita o kaya naman ay nakakasalubong sa kalsada. Tama ba ang ginawa kong paglaladlad? Isa ba itong kasalanan? 


     Nang lumaon ay napawi ang pagdududa at panghihinayang aking nadarama. Sumikat si Vice Ganda na siyang nagsilbing inspirasyon namin mga bakla. Naging matapang ako. Hinarap ko ang lipunan at hindi ko ikinahiya ang pagbabago ko ng kasarian. Saludo ako kay Vice Ganda na isa siya sa mga dahilan kung bakit nagbago kahit papaano ang tingin sa amin mga bakla. Unti-unti na kami natatanggap ng lipunan, hindi man lahat ngunit sapat na sa akin na malaman na ang mga katulad namin ay may mapapatunayan. Ipinagmamalaki ko kung ano at sino man ako ngayon. Hangga't wala akong ginagawang mali at immoral, alam ko kung saan ako lulugar. Hindi mali ang mapabilang sa ikatlong kasarian, ang mali ay ang pumatol sa kaparehas mong kasarian. Ang pagiging beki at tibo ang isa sa nagpapatunay na kami ay ang taong nagpapakatotoo at talagang tao. Hindi kami tao na nagpapanggap lamang na tao.
  
     Nais kong itayo ang bandera namin mga nasa ikatlong kasarian. Hindi lamang pagtaas ng bandera at pagbabago ng tingin sa amin ng lipunan ang aking hangad. Hangad ko rin ang pantay na pagtingin. Babae o lalaki, bakla man o tomboy, ayokong may naaapi at nais kong tanggalin ang diskriminasyon sa lipunang ito. 


     Salot man kami sa inyong paningin, kaming mga salot ay may maipagmamalaki rin. Hindi lang siguro ngayon, ngunit alam kong darating din ang araw na iyon. Ayoko ng puro pangako, dahil iyon ay laging napapako. Kikilos ako, papatunayan kong may ibubuga rin ako. 

Pangarap



"IGALANG mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ikaw ay mabuhay ng matagal sa ibabaw ng lupa na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos." -Exodo 20:3-17
    
      Nakagawian ko nang sundin ang mga payo at utos ng akin magulang at ng mga taong mas nakatatanda sa akin. Marahil ay pinalaki ako ng mga magulang ko ng may takot sa kanila, may paggalang sa kapwa at higit sa lahat ay may takot at paniniwala sa Diyos. Wala sa bokabularyo ko ang salitang "hindi at ayaw" ngunit nagbago ang lahat nang unti-unti akong nagkakaisip. 


          Pangarap kong maging isang sikat na newscaster balang araw. Idolo ko si Jessica Soho na siyang nagtulak at nagbigay inspirasyon sa akin. Kapag si Jessica Soho na ang nagsasalita sa telebisyon, ako'y napapanganga sa kahanga-hanga niyang talento pagdating sa paghahatid ng mga balita. Ngunit ang pangarap sa akin ng aking ina ay maging isang flight attendant hindi niya ito nakuha dahil sa kanyang taas na 4'11 lamang kaya nais niya na ako ang tumupad sa pangarap niyang napako. 


     Tulad nga nang sinabi ko wala sa bokabularyo ko ang tumanggi, kaya ito'y akin sinunod. Dahil sa hindi kaya ng akin magulang ang matrikula sa kolehiyo, ako'y nagtungo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) upang kumuha ng pagsusulit. Sa awa ng Diyos, ako naman ay nakapasa. Ang first choice na akin nilagay ay Tourism tulad nga ng payo ng akin ina. Pangalawa ay, Hotel and Restaurant Management (HRM) at ang pangatlo ay, Psychology. Ang lahat ng akin piniling kurso ay nakabatay sa kagustuhan ng akin ina. Iyan daw ay para sa akin ikabubuti at para sa ikagaganda ng akin kinabukasan. Wala man lang sa pagpipilian ang Broadcast Communication o kaya naman ay BS Journalism. Paano na ang pangarap ko maging isang Broadcaster? 


     Sariwa pa sa akin ala-ala ang mga sinabi niya nang hindi niya ako payagan kunin ang gusto kong kurso, "Walang kasiguraduhan ang kursong Broadcast Communication. Hindi lahat ng kumukuha ng kursong iyon ay nagiging broadcaster. Maraming namamatay sa midya." Sinusubukan ko na lamang limutin ang pangarap ko, ngunit pangarap ko talaga ang maging Broadcaster kaya hindi ganon kadali ang isawalang bahala na lamang ang pangarap na iyon.


      Mahaba-haba ang proseso ng enrollment sa PUP. Sabi nga ng mga reklamador at reklamadora na naririnig ko habang ako ay nasa pila, hindi daw dapat Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang pangalan ng pamantasan na ito, kung hindi Pila Ulit Pila at para naman sa mga taong mahilig mamilosopo ang ibig sabihin daw ng PUP ay Philippines University of the Philippines. Ako'y natawa, in fairness mabenta ang banat nila. Habang inaaliw ko ang sarili ko sa pila, doon ko lamang napagtanto na unit-unti na pa lang nagkakaubusan ng slot sa mga kurso. Unang naubos sa mga kursong napili ko ay ang Psychology, sumunod ang HRM. Tourism na lamang ngunit sa kasamaang palad, pati ang kursong nais ng ina ko makuha ko ay nawalan na rin ng slot. Nakakalugmok dahil sinabayan pa ng kamalasan ang pagod at gutom na nadarama ko. Unti na lamang ang mga kursong natira at kung bibilangin hindi na ito lalagpas pa sa akin daliri. AB History, Theater Arts, AB Philosophy, Sociology, AB Filipino, Education at kung ano-ano pang kursong hindi naman ganoon kapopular at bago lamang sa akin pandinig. May mga estudyanteng na lumapit sa akin upang i-promote ang kani-kanilang kurso at ang tanging kurso na umagaw sa akin atensyon ay ang AB Filipino-logy. Marahil ay may konekta ang AB Filipino sa MassCommunication kaya ito ang napili ko. 


     Tulad ng akin inaasahan, hindi sinangayunan ng akin ina ang kursong nakuha ko. Mababa raw ang sahod ng mga guro. Nais niya na magshift ako. Nagsimula na ang unang semestre ng taon. Hindi ko pa man ganon kagusto ang akin kurso ay gumagawa naman ako ng paraan upang ito'y magustuhan ko. Unti-unti itong napapalapit sa puso ko at napapamahal na ako sa akin mga kamag-aral at mga dalubguro.


     Desidido ang akin ina na lumipat ako ng kurso ngunit ika nga, "NO SHIFTING POLICY" ang polisiya sa kolehiyo namin kaya kung hindi man ako makakalipat ay umalis na lang daw ako sa PUP at sa ibang pamantasan na lamang mag-aral. Ilan beses niya akong kinukulit. Ilan beses niyang inuulit hanggang sa ako ay mapuno na noon may sinabi ang akin ina na ikasasama ng loob ko tungkol sa akin kurso, "Iha, alam kong hindi mo gusto ang magturo. AB Filipino? Bakit iyan pa ang pinili mo? Filipino iha? Hindi ka yayaman diyan. Ano pa bang pagaaralan mo riyan, tama na marunong kang magsalita nito, hindi mo naman kailangan pag-aralan ang Filipino eh" Nakakarindi sa aking pandinig. Para bang ako'y minura at ang kanyang mga iniwang kataga ay hindi ko matanggap. Hindi ko napigilan at ako'y sumagot, "Ina, marahil sa umpisa hindi ko ito gusto, ngunit ng lumaon ito'y nagugustuhan ko. Marami akong natututunan. Hindi lamang sa wikang Filipino nakasentro ang kursong ito. Pagkakaibigan at para kaming pamilya kung magturingan. Wala akong pakialam kung hindi man ako yayaman sa kursong ito, nasa diskarte ang pagyaman at hindi sa kurso. Iniisip mo lagi ang para sa ikabubuti ko, ngunit paano kung ang ikabubuti kong iyon ay hindi ko naman pala gusto? Hindi ko gusto ang Tourism, ang HRM o kung ano pang kurso na sa tingin mo ay mabuti para sa akin. Hindi! Sa huling pagkakataon, hindi ako lilipat ng kurso, at mas lalong hindi ako aalis ng PUP!!" 


        Sa kauna-unahang pagkakataon nailabas ko ang tunay na nadarama ko. Nabastos ko ang aking ina, ngunit kung hindi ko iyon gagawin hindi ko makukuha ang gusto kong kurso at ang kursong sa tingin ko ay nakabubuti sa akin. Mali ang ginawa kong pagsuway at ako'y humihingi ng kapatawaran. Alam kong hangad lamang nila ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak ngunit kung minsan ang akala nilang magandang kinabukasan ay nagbubunga ng masamang epekto sa kanilang mga anak.


     Hindi ko man nakuha ang kursong pinapangarap ko, na punta naman ako sa kursong hindi ko inaasahang mapapalapit sa puso ko. Mahal ko ang kurso ko at ipinagmamalaki ko na kabilang ako sa kursong ito. Patawarin mo ko akin ina, ngunit darating din ang araw na ako'y iyong maiintindihan. 

Wednesday, October 5, 2011

Tunay na Pagmamahal

     Ang pagmamahal ay isang simpleng salita na maraming kahulugan. Mahirap man ipaliwanag ang kahulugan, ipapaliwanag ko ito sa simpleng paraan. 


     Naitanong ko sa aking kapatid kung ano ang pagpapakahulugan niya sa salitang pagmamahal at kanya itong naisagot, "Ang pagmamahal ay isang salita na nagdudulot ng kaligayahan ngunit nagpapaiyak at nagpapahirap din sa kalooban." Para sa tineydyer na kagaya ng kapatid ko ganito ang pagpapakahulugan niya sa pagmamahal. Marahil para sa kanya at para na rin sa iba kaakibat ng pagmamahal ay ang pagpapasakit sa kalooban. Ika nga nila ang pagmamahal sa kapwa ay hindi puro saya ang idinudulot. 

     Ang pagluwal ng ina sa anak ay matuturing na pagmamahal. Ang isang ina itinaya ang kanyang buhay para sa kanyang anak. Ang pagaaruga ng mga magulang, ang pagpapalaki nila ng wasto sa kanilang anak ay pagmamahal. Sila na laging nandiyan para sa anak ay maitututing na pagmamahal.

     Ang kaibigan na laging nariyan. Hindi lamang sa sarap at sa kaligayahan sila'y laging nakakasama, sa hirap man ay present din. Sa kahit anu man pagsubok na dumating, basta't sila'y kailangan kanila kang tutulungan. Ang simpleng pagdamay at pagpapasaya nila ay sapat na. Kung minsan pa nga'y ginagabi ng uwi masamahan lamang ang kaibigan. Ang presensya nila ay nagdudulot ng kaligayahan. Iyan ang tunay na kaibigan. 

     Ang pagmamahal sa taong nais makasama panghabambuhay ay isa sa pangkaraniwang pagpapakahulugan o persepsyon sa pagmamahal. Kung ika'y lalaki at ayon sa kultura ang sinseridad ng lalaki ay makikita kung papaano ito manligaw sa mga kababaihan. At ang simpleng OO lamang ng dalaga sa binata ay nagpapakita ng pagmamahal ng babae sa lalake. 

     Ang tunay na pagpapakahulugan ng pagmamahal ay nakabase sa karanasan. Kung mahilig ka manood ng telenobela na isa sa bahagi ng kwento ay iyong pagsasakripisyo ng buhay ng isang tao sa kanyang minamahal ay masasabing tunay na pagmamahal, ika nga nila, Love is sacrifice. Makita mo lang na masaya ang taong mahal mo, oks na iyon para sa iyo. Ang pagpapakahuluigan ng pagmamahal ay nakadepende sa tao at sa karanasan niya na may kaugnay sa salitang ito.