"IGALANG mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ikaw ay mabuhay ng matagal sa ibabaw ng lupa na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos." -Exodo 20:3-17
Nakagawian ko nang sundin ang mga payo at utos ng akin magulang at ng mga taong mas nakatatanda sa akin. Marahil ay pinalaki ako ng mga magulang ko ng may takot sa kanila, may paggalang sa kapwa at higit sa lahat ay may takot at paniniwala sa Diyos. Wala sa bokabularyo ko ang salitang "hindi at ayaw" ngunit nagbago ang lahat nang unti-unti akong nagkakaisip.
Pangarap kong maging isang sikat na newscaster balang araw. Idolo ko si Jessica Soho na siyang nagtulak at nagbigay inspirasyon sa akin. Kapag si Jessica Soho na ang nagsasalita sa telebisyon, ako'y napapanganga sa kahanga-hanga niyang talento pagdating sa paghahatid ng mga balita. Ngunit ang pangarap sa akin ng aking ina ay maging isang flight attendant hindi niya ito nakuha dahil sa kanyang taas na 4'11 lamang kaya nais niya na ako ang tumupad sa pangarap niyang napako.
Tulad nga nang sinabi ko wala sa bokabularyo ko ang tumanggi, kaya ito'y akin sinunod. Dahil sa hindi kaya ng akin magulang ang matrikula sa kolehiyo, ako'y nagtungo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) upang kumuha ng pagsusulit. Sa awa ng Diyos, ako naman ay nakapasa. Ang first choice na akin nilagay ay Tourism tulad nga ng payo ng akin ina. Pangalawa ay, Hotel and Restaurant Management (HRM) at ang pangatlo ay, Psychology. Ang lahat ng akin piniling kurso ay nakabatay sa kagustuhan ng akin ina. Iyan daw ay para sa akin ikabubuti at para sa ikagaganda ng akin kinabukasan. Wala man lang sa pagpipilian ang Broadcast Communication o kaya naman ay BS Journalism. Paano na ang pangarap ko maging isang Broadcaster?
Sariwa pa sa akin ala-ala ang mga sinabi niya nang hindi niya ako payagan kunin ang gusto kong kurso, "Walang kasiguraduhan ang kursong Broadcast Communication. Hindi lahat ng kumukuha ng kursong iyon ay nagiging broadcaster. Maraming namamatay sa midya." Sinusubukan ko na lamang limutin ang pangarap ko, ngunit pangarap ko talaga ang maging Broadcaster kaya hindi ganon kadali ang isawalang bahala na lamang ang pangarap na iyon.
Mahaba-haba ang proseso ng enrollment sa PUP. Sabi nga ng mga reklamador at reklamadora na naririnig ko habang ako ay nasa pila, hindi daw dapat Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang pangalan ng pamantasan na ito, kung hindi Pila Ulit Pila at para naman sa mga taong mahilig mamilosopo ang ibig sabihin daw ng PUP ay Philippines University of the Philippines. Ako'y natawa, in fairness mabenta ang banat nila. Habang inaaliw ko ang sarili ko sa pila, doon ko lamang napagtanto na unit-unti na pa lang nagkakaubusan ng slot sa mga kurso. Unang naubos sa mga kursong napili ko ay ang Psychology, sumunod ang HRM. Tourism na lamang ngunit sa kasamaang palad, pati ang kursong nais ng ina ko makuha ko ay nawalan na rin ng slot. Nakakalugmok dahil sinabayan pa ng kamalasan ang pagod at gutom na nadarama ko. Unti na lamang ang mga kursong natira at kung bibilangin hindi na ito lalagpas pa sa akin daliri. AB History, Theater Arts, AB Philosophy, Sociology, AB Filipino, Education at kung ano-ano pang kursong hindi naman ganoon kapopular at bago lamang sa akin pandinig. May mga estudyanteng na lumapit sa akin upang i-promote ang kani-kanilang kurso at ang tanging kurso na umagaw sa akin atensyon ay ang AB Filipino-logy. Marahil ay may konekta ang AB Filipino sa MassCommunication kaya ito ang napili ko.
Tulad ng akin inaasahan, hindi sinangayunan ng akin ina ang kursong nakuha ko. Mababa raw ang sahod ng mga guro. Nais niya na magshift ako. Nagsimula na ang unang semestre ng taon. Hindi ko pa man ganon kagusto ang akin kurso ay gumagawa naman ako ng paraan upang ito'y magustuhan ko. Unti-unti itong napapalapit sa puso ko at napapamahal na ako sa akin mga kamag-aral at mga dalubguro.
Desidido ang akin ina na lumipat ako ng kurso ngunit ika nga, "NO SHIFTING POLICY" ang polisiya sa kolehiyo namin kaya kung hindi man ako makakalipat ay umalis na lang daw ako sa PUP at sa ibang pamantasan na lamang mag-aral. Ilan beses niya akong kinukulit. Ilan beses niyang inuulit hanggang sa ako ay mapuno na noon may sinabi ang akin ina na ikasasama ng loob ko tungkol sa akin kurso, "Iha, alam kong hindi mo gusto ang magturo. AB Filipino? Bakit iyan pa ang pinili mo? Filipino iha? Hindi ka yayaman diyan. Ano pa bang pagaaralan mo riyan, tama na marunong kang magsalita nito, hindi mo naman kailangan pag-aralan ang Filipino eh" Nakakarindi sa aking pandinig. Para bang ako'y minura at ang kanyang mga iniwang kataga ay hindi ko matanggap. Hindi ko napigilan at ako'y sumagot, "Ina, marahil sa umpisa hindi ko ito gusto, ngunit ng lumaon ito'y nagugustuhan ko. Marami akong natututunan. Hindi lamang sa wikang Filipino nakasentro ang kursong ito. Pagkakaibigan at para kaming pamilya kung magturingan. Wala akong pakialam kung hindi man ako yayaman sa kursong ito, nasa diskarte ang pagyaman at hindi sa kurso. Iniisip mo lagi ang para sa ikabubuti ko, ngunit paano kung ang ikabubuti kong iyon ay hindi ko naman pala gusto? Hindi ko gusto ang Tourism, ang HRM o kung ano pang kurso na sa tingin mo ay mabuti para sa akin. Hindi! Sa huling pagkakataon, hindi ako lilipat ng kurso, at mas lalong hindi ako aalis ng PUP!!"
Sa kauna-unahang pagkakataon nailabas ko ang tunay na nadarama ko. Nabastos ko ang aking ina, ngunit kung hindi ko iyon gagawin hindi ko makukuha ang gusto kong kurso at ang kursong sa tingin ko ay nakabubuti sa akin. Mali ang ginawa kong pagsuway at ako'y humihingi ng kapatawaran. Alam kong hangad lamang nila ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak ngunit kung minsan ang akala nilang magandang kinabukasan ay nagbubunga ng masamang epekto sa kanilang mga anak.
Hindi ko man nakuha ang kursong pinapangarap ko, na punta naman ako sa kursong hindi ko inaasahang mapapalapit sa puso ko. Mahal ko ang kurso ko at ipinagmamalaki ko na kabilang ako sa kursong ito. Patawarin mo ko akin ina, ngunit darating din ang araw na ako'y iyong maiintindihan.
No comments:
Post a Comment