(sanaysay)
Ano ba talaga? Ang tanong na laging naglalaro sa akin isipan. Sadyang iba’t iba ang pananaw ng mga tao. Magulo at mahirap initindihin. May mga oras na gusto ko nito, gusto ko niyan at paglumipas na ang ilang oras iba na ang gusto. Ano nga ba talaga?
Sa tahanan pa lang magulo na. May mga oras na ayaw nila Mama na gabi ako umuwi, iyon tipong 30 minutes late lang ang uwi lalo na kapag inaabot ako ng gabi sa daan. Eh sino ba naman magulang ang gustong gabi umuuwi ang kanilang anak hindi ba? Pero hindi iyon ang punto ko, ang gusto ko ipahiwatig, kapag maaga ako umuuwi ang laging sinasambit sa akin ni Mama ay, “Oh bakit ang aga mo? Nagcutting ka ano?” At kapag ginagabi naman ako ng uwi ang laging dialogue ni Mama, “Bakit ngayon ka lang? Hindi ka man lang nagpaalam sa Papa mo, ano sino ba kasama mo at ginabi ka ng uwi? Nakipagdate ka ano? Sabi ko naman sa iyo pag-aaral muna ang intindihin hindi pagboboypren” Ang dami niya na agad sinabi. Hindi ko pa nga nasasagot ang unang katanungan niya, dinugtungan niya na kaagad ng sunud-sunod na banat. Wala ako nagawa at natahimik na lamang. Less talk, less mistake ika nga nila hindi ba? Uuwi ako ng maaga sesermunan pa din ako lalo na kapag inabot ng gabi. Ano ba talaga?
Halos lahat ng kabataan nakararanas ng pagbabawal o paghihigpit sa atin ng atin mga magulang, iyon tipong, “Bawal magmura, bawal maglakwatsa, bawal uminom, bawal magbisyo” Ngunit kung bawal at masama, bakit ginagawa nila? Ika nga nila masama gawin ito, masama gawin iyan pero sila mismo nilalabag nila ang sarili nilang mga batas na pinapairal sa kani-kanilang pamilya. Wala ako magawa at napapaisip na lang ng “Ano ba talaga?”
Sa eskwelahan naman, noon hayskul ako tandang tanda ko noon nagpagawa ang aming guro ng proyekto tungkol sa iba’t ibang klase ng mga ulap, ilagay daw namin sa illustration board, ½ daw ang size. Gumawa na kami ng proyekto at halos lahat ay ½ illustration board ang gamit. Nagalit ang aming guro, at sinabing ¼ ang sinabi niya at bakit daw ½ ang pinapasa namin. Tandang tanda ko pa, ang pagkakasabi niya ng 1/2. Paano magiging ½ ang ¼ eh hindi naman iyon magkatunog? Ano ba talaga titser? Isip kong namamahinga, bwinuyset mo ng mga katanungang hindi maganda na sadya naman ang masasabi mo na lang ay “Ano nga ba talaga?”
Bukod sa mga magulang, kaibigan pa. May mga magugulong kaibigan. Ang takbo ng kanilang pagiisip ay magulo. Tila may saltik. Iyon tipong sasabihin nila na ayaw na nila, pero tinutuloy pa rin nila. Iyon tipong, “Ayaw ko na kumain” eh ubos niya na nga iyon pagkain niya tapos bigla niya sasabihin na ayaw na niya. Ano ba talaga? Nililinlang niyo ba ako? Iniba na ba ng modernong panahon ang kahulugan ng pahayag na “Ayaw ko na”?
Pagdating naman sa pag-ibig walang hindi nagiging tanga. Take note, walang HINDI. Eh kung hindi ka naging tanga para sa isang tao, hindi pag-ibig ang tawag doon kung hindi, PRIDE. Iyon mga linyang, “Ano ba ang dapat ko gawin?” At kapag pinayuhan mo na at ilan beses mo na ipamukha sa kanya kung ano ang tama siya pa rin ang masusunod, magsisisi sa huli, at sasabihin, “Ginawa ko lang naman iyon para siya na ang kusang humiwalay sa akin.” Pero deep inside, nasasaktan ng sagad sagaran.
“Wala na kami. Ayaw ko na makipagbati sa kanya, NEVER, ang kapal ng mukha niya pagkatapos ng lahat lahat ng effort na ginawa ko, ginanyan niya lang ako” iyan, pasong paso na ang tainga ko dahil halos araw-araw iyan linya na iyan ang sinasambit sa akin. Ayaw na daw, ngunit pagkalipas ng ilang araw, makikita ko na lang magkasama na ulit sila, magkukwentuhan animo walang nangyaring away sa pagitan nila. Ano ba talaga?
“Ikaw ang aking ngayon, bukas at magpakailanman” “You’re my always and forever” “I love you forever” “You’re my one and only” Mga pahayag na masarap pakinggan at madaling paniwalaan lalo na sa mga taong in love talaga. Sa mga magkasintahan na nagsasabihan niyan, pagkalipas ng ilan araw ay hiwalay na rin sila, iiyak si babae at sasabihin sa kanyang kaibigan, “Ang sabi niya sa akin forever, te bakit ganoon? Ang sakit” Ako naman itong si kaibigan na walang magawa kung hindi damayan ka na lamang. Ano ba talaga? Ang forever naging days na lang. Tila nagiba na rin ang konsepto ng forever.
Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Iba talaga pagtinamaan ka ni Cupido, wala ka ng magagawa, nagmahal ka lang naman at dahil sa pagmamahal na iyan napapatanong ako sa sarili ko “Ano ba talaga?”
Patunay lang na likas sa atin mga tao ang pabago bago ang desisyon at kung anu-anong nasasabi lalo na kapag hinaluan ng iba’t ibang klase ng emosyon. Kapag galit kung anu-anong nabibitawan mga masasakit na salita, kapag nasaktan at nagmukhang tanga, papairalin si kumpadreng PRIDE. Ganyan ang buhay. Walang perpekto, at tayong lahat na hindi perpekto ay wala ng ibang masasabi kung hindi “Ano ba talaga?”
No comments:
Post a Comment