Wednesday, July 20, 2011

Anak

"There are only two types of honest people in this world, small children and drunk people.Anonymous

Ano ba ang nararapat kong maramdaman sa tuwing nakukuha ko ang mga bagay na nais ko? Nararapat ba ako maging masaya, magtatatalon sa tuwa at ngumiti nang abot hanggang tainga dahil lahat ng atensyon, luho't pagmamahal ng magulang ay sa akin ipinadarama? O nararapat ba ako madismaya't malungkot dahil hindi nagiging patas ang pagtingin ng aming mga magulang sa amin tatlong magkakapatid? Idagdag pa ang hindi mawaring pakikitungo sa akin ni Kristine, ang kapatid ko na sumunod sa akin. Maglalaslas ba ako sa pagkadismaya o magtatatalon sa tuwa?


Minsan ay sumagi sa akin isipan kung bakit ganoon ang pakikitungo sa akin ni Kristine. May kasabihan na kung sinong bunso siya ang paborito, ngunit ako ang panganay at sa tingin ko ako ang paborito sa aming tatlong babaeng magkakapatid, siguro iyan ang dahilan kung bakit hindi maayos ang pakikitungo at samahan namin ni Kristine kung ikukumpara sa samahan namin ni Kakay, ang bunso sa amin tatlo. 


Iyan ang mga pahayag na naglalaro sa aking isipan habang ako'y nakadungaw sa jeep na akin sinasakyan pauwi galing sa akin eskuwelahan. Ang makapal na usok na galing sa tambutso ng iba't ibang klase ng sasakyan ang nagingibabaw sa daanan na tinatahak ng jeep. Halos lahat ng pasaherong nakasakay ay tinatakpan ng panyo ang kanilang ilong, ang iba naman na hindi ganoon kaselan sa usok ay hindi na lamang dumudungaw sa bintana ng jeep upang makaiwas sa buga ng tambutso ng ibang sasakyan. Samantalang ako, nakadungaw pa din at hindi alintana ang polusyong nalalanghap sa daanan. Bago pa man lumagpas ang jeep sa istasyon ng Katipunan ay agad ko nang hinatak ang tali ng jeep, hindi pa ko nakuntento at sumigaw pa ng "Para ho, sa tabi lang"


Mula roon ay nilakad ko na lang papunta sa amin. Dumaan sa may Saint Bridget at lumiko sa may Batino. Mga tatlong bahay pa bago marating ang amin, naririnig ko na ang kasiyahan na nagmumula sa amin tahanan, oo nga pala may mga bisitang darating ngayon si Papa, kailangan ihanda ko na ang sarili ko sa pagbubuhat niya sa aking silya habang ipakikilala niya ako sa kanyang mga ka-opisina. 


Nang makarating ako sa loob ng aming gate sinalubong ako ng ngiti ng mga ka-opisina ni Papa. Si Papa ay kumakanta sa videoke't hindi napansin ang aking pagdating. 


"Siya ba iyon anak mo na nagaaral sa UP Diliman at iskolar? Siya ba iyon na kwento mo sa amin noon isang araw Sir?" ang unang sambit ng isa sa mga empleyado sa akin.


Hindi pinansin ni Papa ang tanong ng empleyado, waring nagpapanggap na walang narinig na tanong sa halip na sagutin ay biglang sumigaw si Papa, "Apat na SanMig Light pa nga diyan!"


"Oo Albert siya iyon. Si Niña ang anak kong panganay na nakikwento namin sa iyo." ang sagot na lang ni Mama sa tanong na hindi na sagot ni Papa sa empleyadong nagngangalang Albert.
"Masuwerte kayo sa anak niyo, iyon anak ko hindi pumasang U.P. eh. Ano nga pa lang kursong kinukuha mo hija? Second year ka na hindi ba?" ang tanong ng empleyadong si Albert.
"Opo, second year na ho ako. BS Journalism po ang kinuha kong kurso." ang nakangiting sagot ko sa tanong ni Albert.
"Bakit nama......" hindi na natapos ni Albert ang tanong niya sa akin dahil bigla siya tinawag ni Papa.


Naglakad na ako papasok sa aming tahanan. Nasa sala ako, nilapag ko ang aking gamit pangeskuwela sa mesa sa aming salas at napabulong sa sarili na "Parang may mali" hindi ko mawari kung ano ang hindi wasto na nangyayarai sa aking paligid ngayon, ngunit isa lang ang masisiguro ko, ang pakikitungo sa akin ni Papa ay ibang iba kung ikukumpara sa natural niyang pakikitungo sa akin. Kung dati rati'y ipinapakilala niya ako sa kanyang mga kasamahan at pinagmamalaki na may halong pagyayabang ang ibinubungad niya sa tuwing nakikita ako ng mga kasamahan niya sa trabaho, ngayon ay para bagang hindi niya ako na pansin. Para akong hangin na dumaan sa kanyang harapan.


"Ano puro papuri na naman ba ang natanggap mo? Ipinagmalaki ka na naman ba ni Papa? Ikaw na, the BEST ka sa paningin niya eh." ang narinig kong pahayag sa akin ni Kristine. Hindi man niya tuwirang sinabi iyon sa harap ko ay rinig na rinig naman ng dalawang tainga ko ang mapait na pahayag na iyon. Hindi ko na lamang pinansin si Kristine, sa araw-araw ba naman nangyayari sa buhay ko iyan ang lagi niyang sambit sa akin tignan ko lang kung hindi ka pa masanay. 


"Ate Nins!! Nandiyan ka na pala. Halika dito at turuan mo ko sa aking takda sa Math." ang pakiusap sa akin ni Kakay.
"Sa Math ba kamo? Ngunit hindi ako ganoon kagaling sa math."
"Anong hindi? Geometry naman ito eh. Ayaw ko talaga ng Geometry eh. Sige na Ate, tulungan mo ko." ang nagpupumilit na pahayag ni Kakay.
"Dahil makulit ka, pagbibigyan na kita.Doon tayo sa kwarto mo."


Maliit ang kwarto ni Kakay, para sa isang tao lamang ang kwarto gayon din ang kama niyang sofa bed ang itsura. Naupo ako't hinablot ang kwaderno at libro ni Kakay sa Geometry. 


"Anong pahina ba ang takda mo?" 
"Page 83 Ate. Iyon tungkol sa angles iyon sine and cosine. Ang sabi diyan find the measurement."
"Ah, ito na. Nakita ko na. 1-10 ang sasagutan?"
"Oo, 1-10 nga. Ate, narinig ko iyon sabi sa iyo ni Ate Kristine. Iyon sabi niya na the BEST ka sa paningin nila Papa" ang mahinang pahayag ni Kakay sa akin.
"Narinig mo pala iyon. Wag mo na lamang pansinin si Kristine, ganoon talaga iyon. Hindi ka pa ba nasanay?"
"Sanay na, ang kaso lang gusto din niya na lumayo iyon loob ko sa iyo. Tinanong niya ako kanina, hindi daw ba ako naiinis sa iyo gayon ikaw ang laging pinapansin nila Mama lalo na si Papa ikaw ang paborito nila. Iyon ba naman ang sabi niya sa akin. Bukod doon dinagdag niya pa na, inaagaw mo sa amin si Mama't Papa. Iyon atensyon at pagmamahal ay dapat pantay pero hindi ganoon ang nangyayari." ang sabi ni Kakay.
"Ano ang sagot mo sa tanong ni Kristine?"
"Ang sabi ko, walang katotohanan iyon. Nagseselos siya sa iyo Ate, sa eskuwelahan pa lang na pinagaaralan mo selos naselos na siya eh"
"Pabayaan mo na si Kristine, maganda naman ang unibersidad na pinapasukan niya kahit hindi siya nakapasa sa UP hayaan mo na, walang magandang mapapala ang selos"
"Alam mo ba Ate may hinala si Ate Kristine na hindi ka namin  tunay na kapatid. Ang sabi niya tignan ko daw ang iyong mata. Singkit ka samantalang wala naman singkit sa atin pamilya. Ang bulong bulungan din diyan ng mga chismosa sa labas ikaw lang din daw ang iba ang hugis ng mata't ilong. Eh ang sabi naman ni Mama may pagkakahawig tayo sa hubog at korte ng mukha, sabi nga nila ako daw si Little Niña"
"Alam mo Kakay, may mga magkakapatid naman na hindi magkakamukha, iyon hindi pinagbiyak ng bunga ang mukha kaya wag ka na magtaka ah? Paulit-ulit mo na lang sinasabi sa akin iyan" ang sabi ko na may halong inis ang tono ng boses.
"Pero Ate hindi ka ba naiinis kay Ate Kristine? Wala ka bang balak magsumbong?" ang hirit ni Kakay na tila ayaw akong tigilan.
"Wala akong balak gawin iyan tinatanong mo sa akin. Narito ako ngayon sa iyong silid upang gawin iyan takda mo, isa pang hirit mo kay Kristine at hindi ko ito tatapusin" 


Natahimik na lamang si Kakay sa akin tabi. Ayaw ko nang isipin ang mga sinabi sa akin ni Kakay. Totoong singkit ako at sa pamilya nila Mama at Papa ay walang mayroong lahing singkit. Ang sabi sa akin ni Mama, ipinaglihi daw niya ako sa kaibigan niyang singkit ang mata kaya ganito ang aking itsura. Iyon mapait na pakikitungo sa akin ni Kristine ay hindi maganda at hanggang ngayon hindi pa rin nagbabago ang desisyon ko, ang huwag na lamang pansinin si Kristine. Mga isa't kalahating oras ko na tapos ang takda ni Kakay, pagkatapos ay dumiretso na ako sa akin silid. Nakahiga at wala na akong naririnig na ingay nang kumakanta sa videoke, mga sigawan na masaya. Tila tapos na ang kasiyahan ng mga empleyado at mga kasamahan ni Papa sa trabaho. Ang pumalit sa kasiyahan na naririnig ko ay ang papalakas na ingay na tinig nang pagtatalo. Boses ng aking mga magulang, marahil ay tungkol sa trabaho nila ang kanilang pinagtatalunan ngunit nang papalapit nang papalapit ang kanilang tinig mula sa akin kwarto narinig ko ang kanilang pagtatalo ng di sinasadya.


"15 taon na tayong kasal. Pinanagutan ko iyan dinadala mo noon magkita tayo. Hanggang ngayon ba naman ay ginagawa mo pa rin iyan kahibangan mo? Gusto mo ba malaman nila ang katotohanan?" ang galit na sabi ni Papa na para bang lasing ang tinig ng boses.
"Wala akong sinabing panagutan mo iyon. Papa, pwede ba ang tagal tagal na noon. Wag na natin balikan ang nakaraan" ang pakiusap ni Mama.
"Anong huwag balikan? Alam mo sa tuwing naaalala ko iyon, nasasaktan ako. Pakiramdam ko nabawasn ang pagkalalaki ko"


Inaantay kong sagutin ni Mama ang mga huling pahayag ni Papa ngunit wala na akong narinig. Ano iyon sinasabi ni Papa na masakit?  At ano iyon pahayag nila na panagutan? Alin ang papanagutan? Mga tanong na hindi na sagot sa kanilang pagtatalo hanggang sa binuksan ni Papa ang aking silid. Nakita niya akong nakaupo sa aking higaan. Namumula ang buong mukha ni Papa at gumegewang gewang ang kanyang tayo at tindig. Parang ilang minuto na lang ay babagsak na siya sa kanyang kinatatayuan. Si Mama na katabi niya ay mukhang nababahala at kahit anong gawing pagpigil ni Mama kay Papa ay nakapagpahayag pa rin si Papa.


"Niña, kilala mo ba si William? Tanong mo sa Mama mo kilala niya iyon. Kahit hindi ka nanggaling sa akin, itinuring kita na para na rin akin. Lahat ng luho, atensyon at pagmamahal ay ibinigay ko sa iyo. Ang sakit isipin na kung sino pang nagbibigay ng karangalan sa akin pamilya siya pang hindi ko kadugo at kaano ano. Napabayaan ko si Kristine at Kakay dala ng mga katangian, abilidad, at mabuting asal mo" ang sumbat na paiyak ni Papa pagkatapos ay bumagsak siya sa sahig at nakatulog na nang mahimbing.


Ngayon ay nasagot na ang aking mga katanungan at mga palaisipan na gumagambala sa akin isipan. Nais ko sanang magtanong ngunit natatakot ako. Natatakot ako sa anuman magiging sagot sa mga itatanong ko. Hindi ako makagalaw sa akin puwesto, isa lang ang kaya ko gawin sa mga oras na iyon, ang pakawalan ang mga luha na gustong kumawala mula sa aking mata. 

1 comment:

  1. joke joke joke muna tayo, masyadong seryoso ang usapan e.HAHAHA

    ISANG UMAGA, kagigising lang ng mag-asawa...

    Tatay: "Magandang umaga sa nanay ng tatlo kong anak!"

    Nanay: "Magandang umaga rin sa tatay ng dalawa sa tatlo kong anak!"

    (ngisi)

    =)

    ReplyDelete